.

WALANG GULONG ANG TREN

Agad na sinalin ni Nena ang apat na takal ng tubig sa kaldero mula sa tapayan sa kanilang kusina.Natataranta ang isipan niya sa mga planong binalangkas mula sa nagdaang gabi at pinagsaluhan nila ni Anton.Buo ang pasya ni Nena,bago pa kumagat ang dilim ay kailangan niyang lisanin ang bahay nila at isulong ang laban ng kanyang puso.

Matapos iyun ay nagmamadaling inimpake niya ang kanyang mga damit sa tampipi at pinagmasdan sa huling sandali ang kanyang silid.Matapos ang pagdadalamhati ng kanyang damdamin ay nagtungong muli si Nena sa kusina at ipinagpatuloy ang ginagawa,at sa kahuli-hulihang pagkakataon ay ipagsisilbi niya para sa kanyang ama.

Mabilisang hiniwa ni Nena ang sibuyas at kasabay noon ay ang malakas na pagbukal ng kanyang mga luha na parang talon ng Pagsanjan na ginugunita kung gaano kahirap ang buhay niya sa piling ng ama na kamay ang bakal.

Mahirap ang pagdadalaga ni Nena simula ng maiwan siya sa pudir ng kanyang ama na naging matinding hadlang sa pag-iibigan nila ni Anton.Naninggilid ang maramot na ngisi sa mukha ni Nena habang hinihiwa din ang karne ng baka para sa inihahandang bulalo na hapunan ng ama...napagnilayan niya kasing,matatapos na rin ang pagdurusa ng kanyang buhay.

Saglit na mga sandali pa ang lumipas at ang liwanag ng tumatandang araw ay nagiging kahel na,na gumuguhit paloob sa bintana ng kanilang kusina.Lumundag ng muli ang takot sa puso ni Nena,anumang oras kasi ay madaratnan na naman siya ng kayang ama.Agad na nagtungo si Nena sa batalan at matuling inigiban ang mga balde roon pati na ang planggana na ipam-papaligo din ng kanyang ama bago tuluyang mamahinga sa gabing iyon ng kanyang pagtulog.

Nagkakarera ang kaba sa dibdib ni Nena,sabik siyang makasama si Anton sa wakas ng malaya ngunit saglit na sandali na pa'y maaari itong magwakas.Kaya tinungo niya ang likod na pinto ng kanilang bakuran tangay ang kanyang tampipi,naiiyak ngunit iyon na ang pinakakasasamo ng kanyang puso.Waring nag-aawitan ang mga anghel sa langit habang tinatakbo ni Nena ang daan palabas ng kanilang bakuran..

Ngunit dumagundong ang langit,parang tambol na lumakas ang tunog ng hangin sa paligid..''Nena!Nena!Nena!Nenaaaaa!!!''ang sigaw ng tawag ng ama ni Nena.Saglit na napalingon si Nena,ngunit agad niyang naisip si Anton...kaya muli siyang sumulong.

Ang huling naalala ni Nena ay ang malakas na tunog ng Tren.Naisip niya na sa wakas ay ligtas na siya at malaya...ngunit...''Nena..Nena...Nena...''ang mahinang sabi ng boses na narinig ni Nena habang inaalog siya.Nangungulap ang mga mata ni Nena habang pilit kinikilala ang nasa harap niya.Kaya kiniskis niyang mabuti ang kanyang mga mata at naaninag ang taong gumigising sa kanya.

''Nena,yung tubig kumukulo na!...Bumangon ka na diyan at pagtempla mo ako ng kape,araw-araw mo ng gawain yan nakakalimutan mo pa din..pagod ka na naman??!''...

Sa pagod ni Nena ay nakatulog pala siya...